Motor sinalpok ang nakahintong jeep: 1 patay, 2 kritikal

MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang dalawa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na salpukin ng mga ito ang nakahintong pampasaherong jeep sa Aguinaldo Highway, Brgy. San Agustin, Dasmariñas, Cavite.

Ang nasawi ay kinilalang si Jake Rosales, nasa hustong gulang, ng Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City, habang nasa kritikal na kalagayan sina Geno Cabillo, at Ora Ally, kapwa nasa hustong gulang residente din ng nasabing lugar.

Sa ulat, alas-4:40 ng madaling-araw ay sakay ang tatlong biktima sa isang motorsiklo na minamaneho ni Cabillo at mabilis na binabaybay ang nasabing highway nang hindi nito napansin ang nakahintong pampasaherong jeep (DJM-472) dahilan para sumalpok sila at tumilapon sa kabilang kalsada.

Nagkataon naman na paparating ang isang delivery van (TQN-246) na minamaneho ni Patricio Manila, 31, at hindi na nito naiwasan ang mga biktima kung kaya nasagasaan ang mga ito at napuruhan si Rosales.

Sa pagsisiyasat ng pulisya na kapwa lasing ang mga biktima habang nagmamaneho ng motorsiklo.

 

Show comments