Kahit na humingi pa ng tawad... Bam: Janet guilty pa rin!

MANILA, Philippines - Para kay Senator Bam Aquino na kahit na hu­mingi ng tawad sa publiko si Janet Lim Napoles kaugnay ng isyu ng pork barrel scam ay guilty pa rin ito sa kaso.

“Maging most guilty o least guilty man, guilty pa rin si Janet Lim Napoles at dapat papanagutin sa batas sa kanyang ginawa,” pahayag ni Aquino.

Bagaman anya na pinagtatalunan kung hindi “most guilty” si Napoles upang maging state witness, maliwanag na “guilty” pa rin ito dahil sa kanyang mga ginawa.

“Sana ang kanyang pagsisisi at paghingi ng tawad sa taumbayan ay taus-puso at malalaman lang ito kung pawang katotohanan ang nilalaman ng kanyang salaysay,” ani Aquino.

Marapat lang aniyang idaan sa masusing pagsusuri ng Department of Justice (DOJ) at ikumpara ang listahan at testimonya ni Napoles sa naunang testimonya ng whistleblowers na sina Benhur Luy at Ruby Tuason at mga dokumentong  hawak ng mga ito.

“Kung makikita naman na pawang kasinu­ngalingan lang ang salaysay ni Napoles, sinayang niya ang malaking pagkakataon para makabawi sa kasalanang nagawa niya sa taumbayan,” ani Aquino.

Show comments