Pakiusap ng Palasyo... huwag bastusin si Obama

Inaayos ng worker na ito ang bandila ng America sa kahabaan ng Roxas Boulevard dahil sa pagdating bukas sa bansa ni US President Barack Obama. -Edd Gumban-

MANILA, Philippines - Nakikiusap ang Palasyo ng Malakanyang sa mga militanteng grupo na huwag bastusin si US President Barack Obama, na nakatakdang dumating bukas sa bansa,  sa halip ay pairalin ang ipinagmamalaking “Filipino hospitality”.

Sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, wala namang problema kung itutuloy ng mga militante ang balak nilang kilos protesta dahil bahagi ito ng demokrasya, pero sana naman ay walang bastusan.

“Wala naman pong problema ‘yung mga protesta, in the sense that, of course that’s part of the democratic free space that we live in,” ani Valte.

Pero dapat rin aniyang alalahanin na ang mga Pilipino ay kilala sa pagkakaroon ng hospitality at maayos na pagtanggap ng mga bisita.

“However, tayo po, bilang mga Pilipino, kilala po tayo doon sa ating hospitality at sa magandang pagtanggap natin sa ating mga bisita,” sabi ni Valte.

Sana aniya ay maipakita rin ng lahat ang maayos na pagtanggap ng Pilipinas kay Obama katulad din ng maayos na pagtanggap sa iba pang pinuno ng bansa na dumadalaw sa Pilipinas.

“Sana maging ganoon din po, in the same way that we’ve always exten­ded hospitality to any visi­ting head of state, at least, for us this will not be any different,” ani Valte.

Tiniyak rin ni Valte na isusulong ni Pangulong Benigno Aquino III ang kapakanan ng mga Filipino sa sandaling magkita at magkausap ang bumibisitang Pangulo ng bansang Amerika.

Si Obama ay darating sa bansa bukas (Lunes) para sa dalawang araw na state visit nito.

 

Show comments