Matatanda sa Valenzuela bawal sigawan

MANILA, Philippines - Makukulong at pagmumultahin ang sino mang individual na ire­reklamong naninigaw ng mga senior citizens sa Valenzuela City ito’y sa oras na maipasa ang ordinansa na nagbibigay ng proteksiyon sa mga matatanda.

Isinumite ni 1st District Councilor Corazon Cortez ang panukalang ordinansa, “An ordinance providing protection for the elderly residents of Valenzuela City against abuse and redefining their rights thereof.”

Nakapaloob sa panukala ang proteksyon sa mga residente ng lungsod na may edad 60-anyos pataas. 

Kabilang sa mga ka­tegorya na ipinagbabawal gawin sa mga nakakatanda ay ang pisikal na pananakit, pagdaramot sa pinansyal na tulong, pamamahiya sa publiko, at pamimilit sa nakakatanda na gawin ang isang bagay na ayaw nito.

Sinabi ni Cortez, labis na naaabuso ang mga matatanda sa kamay ng kanilang mga tagapag-alaga at hindi naiuulat ito dahil sa kawalan ng tamang batas.

Sa ilalim ng panukala, papatawan ng parusang “prision mayor” o pagkakulong ng mula 6 taon hanggang maximum na 12 taon  ang sinumang lalabag dito.

Pinuri naman at nagpahayag ng suporta si Mayor Rex Gatchalian sa panukalang ordinansa. Sinabi nito na ang paggalang at pag-aalaga sa mga nakakatanda ay isa sa magandang ugali ng mga Pilipino na hindi dapat mawala.

 

Show comments