Pusher, todas sa shootout

MANILA, Philippines - Todas ang isang hinihinalang drug pusher habang tatlo pa sa kasamahan nito ang naaresto matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa tropa ng 1st Infantry Division at lokal na pulisya sa isinagawang operasyon sa  Barangay La Piedad, Isabela City, Basilan kamakalawa ng umaga.

Ang 45-minutong putukan ay naganap matapos isagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation sa mga suspek sa Valderosa St., Purok 2 ng nasabing barangay ganap na alas-6:30 ng umaga.

Dalawa umano sa puwersa ng pamahalaan ang sugatan din sa nasabing insidente.

Kinilala ni kay Capt. Jefferson Mamauag, taga­pagsalita ng 1st Infantry Division, ang napatay na pusher na si Abi Eisma Jaji, habang ang mga nadakip na suspek ay sina Rasid Robinson Saly, Jose Ramon Dayrit at Diane Martin.

Narekober ng mga  awtoridad mula sa mga suspek ang dalawang kalibre 45 baril, isang homemade sub-machine gun KG-9 Ingram, ilang sachets ng droga at drug paraphernalias.

Ang mga sugatan naman sa panig ng pamahalaan ay kinilalang sina PO2s Esra Senicula Mariano at Jesseben Ferrer Santua na ginagamot ngayon sa lokal na ospital sa lugar.

Ayon kay Mamauag, patuloy ang gagawing suporta ng 1st Infantry Division sa anti-drug operations ng pamahalaan sa pamamagitan ng Joint Peace and Security Coordinating Council, upang tuluyang masugpo ang paglaganap na droga sa nasabing lugar.

 

Show comments