Binata tinodas sa binabawing sinturon

MANILA, Philippines - Dalawang saksak ang ibinigay ng suspek sa may-ari ng sinturon na pinaghiraman nito kahapon sa terminal ng bus sa Sta. Cruz, Maynila.

Ang biktima na idi­neklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ay kinilalang si Romeo Villanueva, 42, binata, residente ng Far East Village, Marcos Highway, Antipolo City.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si “Ricky”, tambay at ka­kilala ng biktima.

Batay sa ulat, dakong  alas-2:30 ng mada­ling araw ay pinuntahan ng biktima ang isang Gaudencio Calisi para makasama nito sa isang videoke.

Subalit, namataan ng biktima ang suspek sa  harapan ng Grand Opera Hotel & Casino sa Doroteo Jose, kanto ng Avenida Rizal sa Sta. Cruz, Maynila at nilapitan niya ito para bawiin ang hiniram nitong sinturon.

Ayaw namang isoli ng suspek ang sinturon at sa halip ay bumunot ng patalim at inundayan ng dalawang saksak sa tiyan ang biktima.

 

Show comments