Bomber, pulis patay sa shootout

MANILA, Philippines - Nauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest na ikinasawi ng isang pulis at wanted na bomb expert kamakalawa ng hapon sa Brgy. Madidis, Datu Paglas, Maguindanao.

Ang napaslang na bomber  ay kinilalang si Usop Kusain alyas Roland/Commander TMX.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa North Cotabato Provincial Hospital sa Kidapawan City si PO1 Louie Acosta at malubhang nasugatan si PO3 Michael Cuyahon, kapwa miyembro ng PNP/SAF.

Batay sa ulat, bandang alas-4:45 ng hapon ay isinisilbi ng pinagsanib na elemento ng Special Action Force (SAF) at Maguindanao Police Provincial Office (PPO) ang warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder laban kay Kusain sa nasabing lugar.

Si Kusain ay kasama ng isa pang bomber na si Salahuddin Hassan na sangkot sa pambobomba sa Philbest  sa General Santos City noong 2007 na ikinasawi ng anim katao habang marami pa ang nasugatan.

Kasalukuyang isinisilbi ng mga otoridad ang warrant of arrest nang hagisan ni Kusain ng granada ang arres­ting team saka pinaputok ang kaniyang M16 rifles at tinamaan sa hita ang dalawang pulis.

Gumanti ng putok ang mga otoridad sa suspek na ikinasawi nito.

Show comments