Bahay ng mayor binomba

MANILA, Philippines - Isang malakas na pagsabog ng bomba ang yumanig sa compound ng bahay ni Isabela City Mayor Cherrylyn Santos–Akbar kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod lalawigan ng Basilan.

Sa ulat ni Basilan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Mario Dapilloza, dakong alas-2:00 ng madaling-araw naganap ang insidente sa tabi ng highway sa Brgy. Sunrise, Isabela City.

Sa imbestigasyon, kasalukuyang mahimbing na natutulog ang pamilya ng alkalde nang biglang sumabog ang bomba  na isang Improvised Explosive Device (IED).

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente bagaman lumikha ng dalawang talampakang hukay sa tabi ng bakod ng bahay ng alkalde ang pagsabog.

Nang rumesponde ang pulisya at sundalo sa lugar ay isa pang 81mm mortar ang narekober malapit sa videoke house ilang metro rin ang layo mula sa naunang pagsabog.

Aalamin pa ng mga otoridad kung nakunan ng CCTV camera na nakalagay sa palibot ng bahay ng alkalde.

 

Show comments