Korean lady trader pinatay Condo unit pinasok…

MANILA, Philippines -Isang negosyanteng Koreana ang natagpuang patay sa loob ng kanyang condomi­nium unit sa Pasay City matapos paluin sa mukha ng hindi pa kilalang suspek.

Ang biktima ay nakilalang si Jin Young Jun, nasa hustong gulang, tubong Seoul, South Korea at may-ari ng Dream TNE Travel Agency na may tanggapan din sa kanyang tirahan sa Unit 301 Clinnan Court Building, 2205 P. Burgos St., cor,. Villanueva St., ng naturang lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa kanyang condo unit na may malalim na sugat sa mukha.

Nabatid na humingi ng saklolo ang kapatid na lalaki ng biktima na si Kang III Jung, 38, nakatira sa Summit Point Gold and Country Club sa Lipa City, Batangas sa kaibigang si Jae Seok Moon na nasa Maynila at pinakiusapang tignan ang kalagayan ng kapatid makaraang hindi sumagot sa cellular phone.

Sa salaysay ni Kang, dakong alas-6:15 ng gabi nang una niyang tawagan ang kapatid ngunit sinabihan siya na tumawag na lang uli dahil sa may kausap siyang bisita na babae. 

Nang muling tawagan, hindi na ito sumasagot sa kabila ng paulit-ulit na pag-ring ng telepono hanggang sa bigla itong patayin. Tumawag naman siya sa landline nito ngunit “out of service” naman. 

Nang dumating si Jae sa unit ng biktima, kasama ang isa pang Koreano na si Young Ho Cho, hindi na ito sumasagot sa katok sa pintuan kaya’t humingi na ng tulong sa pulisya ang dalawa hanggang madiskubre na ang bangkay na nasa loob ng banyo.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakita ang nagkalat na dugo sa master’s bedroom na tanda na nanlaban ang biktima at nakabukas at wala na ring laman ang kaha de yero.

Aalamin ng pulisya sa CCTV ng condominium kung sino ang mga huling bisita ng biktima bago ito natagpuan itong patay.

Show comments