Pintor nahulog sa 5th floor, patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang pintor makaraang mahulog mula sa ikalimang palapag ng isang commercial building na pinipinturahan nito sa Fairview, Quezon City kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima na si Alexis Pengson, 23, roof installer, tubong Pampanga at residente ng #1007 G.Euseco St.,Tondo, Manila.

Ayon kay SPO1 Pascual Fabreag, may hawak sa kaso, naganap ang insidente dakong alas-2:25 ng hapon sa Regalado Hive Commercial Bldg. na matatagpuan sa Regalado Avenue, Fairview, sa lungsod.

Bago ang insidente, nag-uusap umano sa ground floor ang mga saksi na sina Bert Simon Fajelar, project engineer at Antonio Duatin cons­truction site foreman nang bigla na lamang nahulog sa harapan nila ang biktima mula sa ikalimang palapag kung saan ito nagpipintura.

Agad naman itinakbo sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa matinding fracture sa kanyang ulo.

Patuloy pang sinisiyasat ng pulisya ang posibleng dahilan ng pagkahulog ng biktima. –/Jam Krisette Nuñez

Show comments