Doktora hinoldap, holdaper arestado agad

MANILA, Philippines - Agad na naaresto ng mga nagpapatrulyang tanod ang isang lalaki matapos na pasukin ang isang klinika at holdapin ang isang doktora kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang suspek ay kinilalang si Marlon Banlaolay, 24, tubong Ilocos Sur  at naninirahan sa No. 4, Maligaya St., Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon  City.

Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi nang pasukin ng suspek ang klinika ng biktinang si Dr. Gene Loulette Viloria sa Quirino Highway  Brgy. Talipapa, Quezon City at nagdeklara ng holdap.

Walang nagawa ang biktima nang tangayin ng suspek ang bag nito na naglalaman ng P16,000.00 cash money, isang I- phone na nagkakahalaga ng P28,000.00 at 1 unit ng  My Phone na nagkakahalaga ng P2,500.00.

Nang makuha ang pakay ay mabilis tumakas ang suspek, subalit agad na sumigaw  ng saklolo ang doktora na naging dahilan upang agad na maaresto ang suspek ng mga nagpapatrulyang barangay tanod.

 

Show comments