Pulis, 2 pa inaresto sa ‘Holdap me’

MANILA, Philippines - Dinakip ng mga pulis ang isa nilang kabaro at dalawang kasama nito matapos na magsagawa na ‘hold up me’ sa isa nilang kasama na helper na may dalang P200,000 na pang­deposito sa bangko naganap sa Paco, Maynila.

Ang mga suspek ay kinilalang sina PO1 Reggie Dominguez, 33, naka­talaga sa MPD-District Support Unit at residente  ng No.1228 Mataas na Lupa, Paco ng lungsod, Joel Pa­nan­cio, 24, helper at residente ng 119 Bldg. 924 Vitas, Tondo at Jason Paliza.

Batay sa imbestigas­yon, noong Mayo 15, dakong alas-10:30 ng umaga ay pinagdala ng P200,000 si Panancio ng amo nitong si Salim Liah, Bangladesh national, operation manager ng SR Fashion para idepo­sito ang pera sa bangko.

Subalit nang bumalik sa opisina ay sinabi nito sa amo na siya ay hinoldap ng 2 lalaki na sakay ng kulay pulang van.

Nagduda ang mga amo sa salaysay ni Panan­cio kung kaya’t ito ay pina­­aresto sa mga pulis at pag­­dating sa presinto ay isi­na­ilalim ito sa masusing imbestigasyon hanggang sa umamin na hindi totoo na siya ay na­holdap kundi ibinigay niya ang pera sa dalawang kasama na sina PO1 Dominguez at Paliza na kanyang kasabwat.

Si Panancio ay kinasuhan ng qualified theft habang sina PO1 Dominguez at Paliza ay kinasuhan ng robbery bukod pa sa kasong administratibo na kahaharapin ng pulis.

Show comments