MANILA, Philippines - Walang paglagyan ng kagalakan ang magulang ng 1½ taong gulang na batang lalaki na dinukot noong Martes sa QC matapos na ito ay isinoli sa kanila ng isang mag-asawa na kumupkop dito.
Ayon kay Quezon City Police District Senior Supt. Richard Albano, ang batang si Lovelio “Buboy†Mendoza Jr. ay naibalik na sa kanyang mga tunay na magulang mula sa mag-asawang nagkusang loob na ibigay matapos na makita sa telebisyon ang ulat sa paghahanap dito.
Sinasabing ang bata ay kusang isinoli sa kanyang mga magulang kahapon ng umaga, makaraang umanong makatanggap ng text message kamakalawa ng gabi na nagsasabing hawak nila ang kanyang anak.
Dahil sa madalas nang nakakatanggap ng mga text messages ang mga magulang ng bata na pawang mga panloloko, nagduda sila at hindi muna pinansin ang naturang mensahe, ngunit nang tawagan sila ng nag-text ng tatlong beses ay naniwala na sila dito.
Ang bata ay dinampot ng lalaking mistulang taong grasa at dinala sa Baclaran at ibinigay ito sa mag-asawa na kung saan ay humihingi umano ang lalaki ng halagang P5,000 para pamasahe umano niya pauwi ng Pangasinan. Para maniwala ang mag-asawa ay nag-iwan pa ang lalaki ng litrato na may pangalan niya na Dennis Nabua at nangakong babalikan ang bata.
Nagbigay umano ang mag-asawa ng halagang P1,200 hanggang sa magpasya ang lalaki na iwan ang bata sa kanila.
Nakonsensya umano ang mag-asawa nang mapag-alamang ang hawak nilang bata ay ang nakita sa telebisyon na nawawalang bata.
Agad na kinontak ng mag-asawa ang pamilya Mendoza hanggang sa magdesiyon silang magkita sa isang fastfood chain sa Frisco, sa lungsod para maisauli si Buboy.