Nawalan ng preno… Trak sumalpok: 3 tepok

MANILA, Philippines -Namatay noon din ang tatlong katao habang malubhang nasugatan ang isa pa matapos na aksidenteng sumalpok sa isang malaking bato sa tabi ng highway ang isang 6 wheeler truck sa national highway ng Dumalinao, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Roter Saligan, Dennis Dayag at Katherine Misa; pawang nasa hustong gulang.Habang malubhang nasugatan ang driver ng truck na si  Federico Itang nagtamo ng mga sugat sa katawan.

Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi ay kasalukuyang bumabagtas sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Camanga, Dumalinao ng lalawigan ang 6 wheeler truck  (PEO 142) na may kargang bariles ng mga isda galing Zamboanga City patungong General Santos City.

Dito ay nasiraan umano ng preno ang trak bunsod upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver na tuluy-tuloy na sumalpok sa malaking bato sa tabi ng highway.

Sa tindi ng pagkakasalpok ay agad na binawian ng buhay ang tatlong biktima habang sugatang isinugod sa pagamutan ang driver ng trak.

Show comments