Binatilyo binoga sa ulo dedo

MANILA, Philippine s- Dedo ang isang 16-taong gulang na binatilyo makaraang barilin sa ulo ng isa sa tatlong armadong lalaki na sakay ng tricycle sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng isang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Christian Bonsobre ng Area 4-C, Nawasa Line, Saint Anthony st., Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Blangko pa ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek dahil maging ang sinakyan ng mga ito na tricycle ay walang plaka.

Sa imbestigasyon ni PO3 Erickson Isidro, may-hawak ng kaso, nabatid na ang insidente ay naganap sa harap ng isang bahay sa #26 Saint Anthony St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-10:45 ng gabi.

Ayon sa testigong si Miguel Brazil,  bago ang insidente ay nakita umano niya ang biktima na bumibili sa isang sari-sari store nang lapitan siya ng tatlong suspek na sakay ng tricycle na walang plaka at walang body number.

Bumaba umano ng tricycle ang tatlo at pinalibutan nila ang biktima at isa sa kanila ang bumunot ng baril at pinaputukan ang binatilyo. Matapos ang insidente ay mabilis din tumakas ang tatlo na sakay din ng kanilang motorsiklo.

Show comments