Balota hindi kayang pekein

MANILA, Philippines - Hindi umano mada­ling mapeke ang balota na gagamitin sa halalan sa Mayo 13.

Ito ang paniniyak ni  Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes, Jr. kasunod ng pagisimula nang  pag-imprenta nito.

Anya, maraming inilagay na safeguards sa balota, na gawa mula sa imported na papel, upang matiyak na hindi ito mapepeke.

Kabilang sa mga naturang safeguards ay ang UV light at bar code na inilagay sa bawat isang balota bukod pa sa dalawang  security feature na idinagdag ang Comelec sa balota ngunit hindi na ito isiniwalat pa sa media.

Sa isinagawang ribbon cutting ceremony sa tanggapan ng National Printing Office (NPO), pormal na ipinakita ng NPO kasama ang mga opisyal ng Comelec ang lugar kung saan gagawin ang pag-iimprenta ng mga balota at mga makinang gagamitin dito.

Target ng NPO na makapag-imprenta ng isang milyong balota kada araw.

Nabatid na ang kabuuang ililimbag na balota ay 52,017,360 na ayon sa NPO ay posibleng tumagal ng 65 araw.

Ang bawat balota ay papasok ng tatlong ulit sa may 156 PCOS machines upang  maiwasan ang pa­ngamba na hindi basahin ng mga makina ang balotang iimprenta.

Umaasa ang Comelec na magiging maayos ang  kanilang sistema upang maiwasan ang anumang mga aberya at isyu.

Show comments