Flying Titans rumesbak sa Cool Smashers

Na-blocked ni Bea De Leon ng Creamline ang hataw ni Isa Molde ng Choco Mucho.
PVL photo

MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang limang taon ay nakaiskor na rin sa wakas ang Choco Mucho kontra sa sister team at nagdedepensang Creamline sa harap ng 6,407 fans.

Pumagitna ang bulinggit na si Sisi Rondina para tulungan ang Flying Titans sa 13-25, 19-25, 25-21, 25-20, 18-16 pagtakas sa Cool Smashers sa single-round robin semifinals ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Pumalo ang 5-foot-6 na si Rondina ng 23 points mula sa 21 attacks, isang block at isang service ace para sa unang panalo ng Choco Mucho sa Creamline matapos ang 0-12 one-on-record nila simula noong 2019 PVL Open Conference.

“Siyempre, mahirap ipaliwanag dahil first time naming manalo sa Creamline. Iyon nga sobrang thankful ako sa naging performance namin,” wika ni coach Dante Alinsunurin.

Nag-ambag si Royse Tubino ng 20 markers habang may 12 points si Isa Molde.

Pinamunuan ni Jema Galanza ang Creamline sa kanyang 23 points at may 21, 18 at 15 markers sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao at Pangs Panaga, ayon sa pagkakasunod.

Ipinoste ng Cool Smashers ang 2-0 bentahe bago nagising ang Flying Titans at inagaw ang third at fourth set para makatabla sa 2-2 at makahirit ng fifth set.

Itinayo ng Choco Mucho ang 7-3 bentahe, samantalang sinandigan ng Creamline ang 30-an­yos na si Valdez para makatabla sa 16-16.

Ang dalawang sunod na atake ni Rondina ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Flying Titans.

Show comments