MANILA, Philippines — Umariba sa opensa si Kath Santos upang tulungan ibigay sa San Sebastian College-Recoletos ang unang panalo matapos pagpagin ang Emilio Aguinaldo College, 17-25, 25-13, 26-24, 27-25 sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre, kahapon.
Nagtala si former Rookie of the Year Santos ng 17 points kasama ang 16 attacks at isang block at 12 digs upang ilista ang 1-6 karta para sa Lady Stags na pahirapan bago nasilo ang importanteng panalo.
Sinandalan ng Lady Stags si Santos sa fourth set kung saan ay muntik ng malusaw ang kanilang naipundar na lamang kaya naman nakalsuhan nila ang six-game losing streak.
Para sa Lady Generals, hinahanap pa nila ang unang panalo matapos malasap ang pitong sunod na kabiguan.
Nakatuwang ni Santos sa opensa si Tina Marasigan na nagkamada ng 14 markers habang sina Juna May Gonzales at skipper Amaka Tan ay nagrehistro ng 12 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Bumira si Cath Almazan ng 20 puntos kasama ang 11 receptions para sa naghihingalong Lady Generals, nag-ambag naman sina Alessandra Razonable at Jennifer Omapas ng 18 at 10 markers.
Samantala, nagwagi sa unang laro ang Letran Lady Knights kontra Lyceum of the Philippines Lady Pirates, 24-26, 25-20, 25-22, 25-22.
Umiskor si Gia Maquilang ng double-double outing na 18 points kasama ang 16 digs at walong receptions para tulungan ang Lady Knights na tuldukan ang two-game losing skid nila.