Ubas gold sa Singapore

MANILA, Philippines — Matamis ang panlasa ni national track and field mainstay Janry Ubas matapos pumitas ng gintong medalya sa prestihiyosong 84th Singapore Open Track and Field Championships na ginanap sa Singapore Sports Hub sa Singapore.

Nagparamdam ng puwersa si Ubas nang ilatag nito ang matikas na porma para maitarak ang winning jump na 7.58 metro at angkinin ang gintong medalya sa men’s long jump event.

Pinataob ng reigning Southeast Asian Games men’s long jump champion ang mga karibal nito kabilang na si Wen Hua-Yu ng Chinese-Taipei na nagsumite ng 7.43 metro para magkasya sa pilak na medalya.

Tinalo rin ni Ubas si Ivan Mun ng Singapore na nagtala lamang ng 7.26 upang masiguro ang tansong medalya.

Mainit namang binati ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) si Ubas sa karangalang ibinigay nito sa bansa.

“Congratulations to our National Athlete, Janry Ubas, for winning the Gold in the Long Jump event at the 84th Singapore Championships,” ayon sa post ng Patafa sa social media.

Muling hahataw si Ubas sa Hong Kong Athletics Championships 2024 kung saan target nitong madugtungan ang magandang performance nito.

Maliban sa Hong Kong meet, magpapartisipa rin si Ubas sa ICTSI Philippine National Championships na gaganapin naman sa PhilSports Track Oval sa Pasig City sa Mayo 8.

Show comments