MANILA, Philippines — Muling kumapit sa top spot ang Lyceum of the Philippines Lady Pirates matapos nilang kalusin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-21, 24-26, 18-25, 25-22, 15-11, kahapon sa NCAA Season 99 women’s volleyball na nilaro sa Filoil EcoOil Arena.
Nagliyab sa opensa si Janeth Tulang upang akbayan ang Intramuros-based squad sa panalo at isalo sa three-way tie sa top spot ng team standings.
Tumikada si Tulang ng team-best 20 points, mula sa 18 spikes at dalawang pamatay na service aces upang ilista ang 4-0 karta katulad ng defending champions College of Saint Benilde Lady Blazers at Letran Lady Knights.
Bumakas sina power-hitting tandem Joan Doguna at Johna Dolorito ng tig-19 markers para sa Lady Pirates na napalaban ng todo ng masagad ang kanilang bakbakan sa limang sets.
Naghabol ng isang set ang LPU sa unang tatlong frames, matapos makuha ang unang set ay lumagapak ang Lady Pirates sa sets 2 at 3.
Pero hindi nasira ang diskarte ng LPU, sinikwat nila ang huling dalawang frames upang maangkin ang panalo.
Naligtasan ng Lady Pirates ang maalab na performance ni reigning MVP Mary Rhose Dapol na kumana ng 35 points kasama ang 13 power kills para sa Lady Alatas na nalasap ang pangalawang talo sa apat na salang.