Cignal hinataw ang ika-2 panalo

MANILA, Philippines — Hinataw ng Cignal HD ang ikalawang sunod na panalo matapos gibain ang Galeries Tower, 25-14, 25-16, 25-17, sa 2024 PVL All-Filipino Conference ka­hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Pumalo si veteran Ces Molina, ang 2023 PVL In­vitational Conference MVP, ng 14 points mula sa 12 attacks at 2 blocks para sa 2-0 baraha ng HD Spikers.

Laglag ang Highrisers sa 0-2 kartada.

“Nakaka-proud ang mga teammates ko, kahit sino ang ipasok nagko-contribute, nagpe-perform,” wika ni Molina sa kanyang mga katropa.

Nagdagdag si Vanie Gandler ng 7 markers at may tig-6 points sina Roselyn Doria at Jovelyn Gonzaga para sa Cignal.

Binanderahan ni Ysa Jimenez ang Galeries sa kan­yang 9 points at 5 digs, habang may 7 at 6 mar­kers sina Graze Bombita at Andrea Marzan, ayon sa pagkakasunod.

Sa ikalawang laro, nagtala si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 23 points mula sa 21 attacks, 1 block at 1 ace para sa 25-16, 25-23, 25-21 panalo ng Petro Gazz (2-1) kontra sa PLDT Home Fibr (2-1).

 

Show comments