MANILA, Philippines — Umiskor si Daniel Padilla ng game-high 28 points para igiya ang Letran sa 106-85 demolisyon sa Arellano University sa NCAA junior basketball tournament kahapon sa Filzoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Naglista rin si Padilla ng 6 rebounds, 3 assists at 2 steals sa pang-limang dikit na pananalasa ng Squires para ilista ang 6-1 kartada.
Humakot si Jolo Navarro ng double-double na 19 points at 22 rebounds.
Laglag ang Braves sa 1-6 bagama’t nakahugot kay Borgy Reguera ng 24 points.
Sumosyo sa Letran ang University of Perpetual Help matapos talunin ang Jose Rizal University, 102-84, tampok ang triple-double na 17 points, 18 rebounds at 10 assists ni Amiel Acido.
Bumangon ang Junior Altas sa kanilang unang kabiguan para sa 6-1 record at inihulog ang Light Bombers sa 2-5.
Samantala, tinalo ng San Sebastian Staglets ang College of St. Benilde Junior Blazers, 76-67, para sa kanilang ikalawang dikit na panalo at iposte ang 5-2 baraha.
Bagsak ang Junior Blazers sa 2-5 marka.
Inangkin naman ng San Beda Red Cubs (4-3) ang 51-44 tagumpay sa Emilio Aguinaldo College Brigadiers (2-5).