MANILA, Philippines — Bumandera sina Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra at seven-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel Beer bilang top picks sa 2024 PBA All-Star Draft.
Hinugot ng Team Japeth Aguilar si Standhardinger habang sa Team Mark Barroca naman si Fajardo para sa PBA All-Star event na lalaruin sa Bacolod City.
Magsisilbing head coach ng Team Aguilar si Ginebra mentor Tim Cone samantalang si PBA champion Jorge Gallent ng San Miguel Beer naman ang magmamando sa Team Barroca.
Kinuha rin ng Team Japeth sina PBA Season 46 Most Valuable Player Scottie Thompson, Paul Lee ng Magnolia, Calvin Oftana ng TNT, Jamie Malonzo ng Ginebra, Chris Newsome ng Meralco, Terrence Romeo, Don Trollano at Marcio Lassiter ng San Miguel, Arvin Tolentino ng NorthPort, Maverick Ahanmisi at Stanley Pringle ng Ginebra, at Tyler Tio ng Phoenix.
Nasa Team Barroca naman sina Jason Perkins ng Phoenix, CJ Perez ng SMB, Robert Bolick ng NLEX, Jio Jalalon at Ian Sangalang ng Magnolia, James Yap ng Blackwater, Calvin Abueva ng Magnolia, Jayson Castro ng TNT, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Ricci Rivero ng Phoenix, Cliff Hodge ng Meralco, Juami Tiongson ng Terrafirma, at Nards Pinto ng Ginebra.