Choco Mucho pakay ang unang panalo sa Nxled

MANILA, Philippines — Sa paglipat ni team captain Bea De Leon sa Creamline ay ang kanyang katambal na si Maddie Madayag ang gagabay sa Choco Mucho.

Pamumunuan ni Madayag ang Flying Titans sa pagsagupa sa Nxled Chameleons ngayong alas-5 ng hapon sa 2024 PVL All-Filipino Conference sa Filol EcoOil Arena sa San Juan City.

Sa unang laro, maghaharap sa alas-3 ng hapon ang PLDT at Galeries Tower.

“So far, the new players are still adapting to the system, considering they are relatively new,” ani Madayag sa mga baguhang sina Mars Alba, Bia General, Mean Mendrez at Royse Tubino.

“We are exercising patience for each other so they can fully grasp Coach Dante’s system,” dagdag nito.

Muling makakatuwang ni Madayag para sa Choco Mucho sina Sisi Rondina, Deanna Wong, Kat Tolentino, Isa Molde at Cherry Nunag katapat sina Ivy Lacsina, Lycha Ebon, Kamille Cal, Jhoana Maraguinot, May Luna at Krich Macaslang ng Nxled.

Posibleng hindi pa maglaro si Lacsina, nagmula sa nabuwag na F2 Logistics, dahil sa kanyang right knee sprain na nangyari sa una niyang practice session sa Chameleons.

Show comments