Choco Mucho makikipagsabayan sa PVL

MANILA, Philippines — Gigil nang magpakitang-gilas ang Choco Mucho Flying Titans sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na hahataw bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.

Aasahan ng Flying Titans si Sisi Rondina na nasungkit ang Most Valuable Player (MVP) award sa nakalipas na kumperensiya.

Top scorer ito ng liga matapos makalikom ng 236 puntos kung saan may spiking efficiency ito na 36.98 percent, serving rate na 0.20 per set at may average na digs na 2.33 per set.

Kaya naman walang duda na muling aasahan ng Choco Mucho si Rondina kasama ang mga bagong recruits.

Wala na sa Flying Titans sina Bea de Leon, Dendez Lazaro-Revilla at Caitlyn Viray subalit pumalit sa kanila sina Royse Tubino, Mean Mendrez, Mars Alba at Bia General.

Sisimulan ng Choco Mucho ang kampanya nito laban sa Nxled sa Huwebes kasunod ang Petro Gazz Angels na nagkampeon sa PNVF Champions League.

 

Show comments