Centeno sasargo sa Predator Pro Series

MANILA, Philippines — Muling sasargo si World champion Chezka Centeno matapos siyang maimbitahan sa Predator Pro Billiard Series ng $100,000 Women’s Showdown event na lalaruin sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas sa susunod na taon.

Pinoste ng organizers sa website ng AZBilliards ang mga naimbitahan na tutumbok sa Pebrero 27 hanggang Marso 1, 2024.

Ang unang walong cue artists na binigyan ng imbitasyon sa tournament bilang parte ng CueSports International Expo ay sina Chou Chieh-Yu, ang reig­ning WPA World 9-Ball Women’s Champion at Centeno na kampeon sa World 10-Ball Women’s title na ginanap sa Austria noong nakaraang buwan.

Ang panggagalingan ng walong tumbukera ay sa top eight players ng WPA Women World Ranking kasama ang Pre­dator WPA World 10-Ball Women’s Championship na kukuha ng awtomati­kong imbitasyon.

Sina British bet Kelly Fisher at Allison Fisher, Kristina Zlateva ng Bulgaria at Austrian Jasmin Ouschan ang mga European players na kabilang sa natapik para tumumbok, world No.7, Australia cue master Bean (Meng-Hsia) Hung at Chen Chia Hua (Chinese Taipei).

Sisimulan ang Wo­men’s Showdown sa round-robin group stage, bawat group ay may kasa­ling dalawang seeded pla­yers mula sa WPA top eight at dalawang invited players.

Magma-martsa sa single eliminations ang best two players sa bawat grupo.

Tumalon sa No. 6 ang Pinay cue artist matapos nitong magreyna sa World 10-Ball Women’s Championship.

 

Show comments