PHILADELPHIA — Bagama’t kulang sa puwersa ay nagawa pa rin ng Cleveland Cavaliers na patalsikin ang 76ers sa NBA In-Season Tournament.
Humataw si Darius Garland ng 32 points at may 22 markers si Jarrett Allen sa 122-119 overtime win ng Cleveland (8-6) sa Philadelphia (10-4).
May 2-1 baraha ang Cavaliers sa In-Season Tournament at may tsansa sa Eastern Conference wildcard berth sa kabila ng mga injury nina Donovan Mitchell, Caris LeVert at Isaac Okoro.
Napatalsik naman ang 76ers sa torneo sa kartang 0-2 at nakahugot kay Joel Embiid ng 32 points kasunod ang 30 markers ni Tyrese Maxey.
Isinalpak ni Allen ang isang 8-foot hook shot para sa 120-119 abante ng Cleveland sa huling 18 segundo sa overtime.
Mintis ang layup nina Embiid at Maxey sa dalawang posesyon ng Philadelphia.
Sa Los Angeles, iniskor ni LeBron James ang kanyang 39,000th point at tumapos na may 17 points, 9 assists at 7 rebounds sa 131-99 pagdaig ng Lakers (9-6) sa Utah Jazz (4-10).
Nag-ambag si Anthony Davis ng 26 points at 16 rebounds sa pagpasok ng Los Angeles sa quarterfinals ng In-Season Tournament.
Sa Phoenix, tumipa si Kevin Durant ng 31 points sa 120-107 panalo ng Suns (8-6) sa Portland Trail Blazers (3-11).
Sa Atlanta, humakot si Tyrese Haliburton ng 37 points sa 157-152 overtime win ng Indiana Pacers (8-5) sa Hawks (6-7).
Sa Orlando, kumabig si Paolo Banchero ng 25 points sa 126-107 pagpapabagsak ng Magic (9-5) sa Toronto Raptors (6-8).