MANILA, Philippines — Pinormalisa ng Mapua University ang pagpasok sa Final Four matapos gibain ang University of Perpetual Help System DALTA, 69-53, sa NCAA Season 99 mens’ basketball tournament kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Nagpaulan si Clint Escamis ng 17 points bukod sa 6 steals, 4 rebounds, 4 assists, at 1 block para sa 13-3 record ng bumabanderang Cardinals.
Nagdagdag sina Warren Bonifacio at Jopet Soriano ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
May 8-8 baraha naman ang Altas.
Kung muling mananalo ang Mapua sa Arellano University bukas at sa Jose Rizal University sa susunod na linggo ay pormal na nilang makukuha ang ‘twice-to-beat’ bonus sa Final Four.
Kailangan namang walisin ng Perpetual ang huli nilang dalawang laro kontra sa Emilio Aguinaldo College sa Sabado at sa San Sebastian sa Martes para sa pag-asa sa Final Four.
Mula sa 29-21 abante sa halftime ay umarangkada ang Cardinals sa third period sa pag-iskor ng 27 points.
Nalimitahan nila ang Altas sa 15 markers para kunin ang 20-point lead, 56-36.
Mula rito ay hindi na nilingon ng Mapua ang Perpetual.
Sa ikalawang laro, sinagpang ng San Beda University ang College of St. Benilde, 65-61.
Itinaas ng Red Lions ang marka sa 9-6 para putulin ang two-game losing skid.
May 10-6 record ang Blazers.