F2 pakay ang semis vs Foton

Ivy Lacsina at Shaya Adoradora

MANILA, Philippines — Pipilitin ng F2 Logistics na maibulsa ang ikalawang semifinals berth habang apat na koponan ang mag-aagawan sa natitirang dalawang semis spot sa pagtiklop ng single round eliminations ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.

Lalabanan ng Cargo Movers ang sibak nang Foton Tornadoes ngayong alas-12 ng tanghali matapos ang salpukan ng mga talsik nang Akari Chargers at Gerflor Defenders sa alas-9:30 ng umaga sa Philsports Arena sa Pasig City.

Magtutuos ang Cignal HD Spikers at Choco Mucho Flying Titans sa alas-4 ng hapon kasunod ang banatan ng PLDT Home Fibr High Speed Hitters at Chery Tiggo Crossovers sa alas-6:30 ng gabi.

Ang nagdedepensang Creamline, kinumpleto ang 4-0 sweep sa Pool A, ang unang nagbulsa ng semis ticket.

May magkatulad na 2-1 record ang PLDT at Chery Tiggo sa Pool A sa itaas ng Akari (0-3) at Gerflor (0-3) habang bitbit ng Cignal, Choco Mucho at F2 ang magkaparehong 3-1 marka sa Pool B kasunod ang Petro Gazz (3-2), Foton (1-3) at Farm Fresh (0-5).

Ang tatlong kukuha ng semis berth ang makakasama ng Cool Smashers sa semis na tatampukan ng mga guest teams na Kurashiki Ablaze ng Japan at Kinh Bac Bac Ninh ng Vietnam.

Inaasahang babangon ang F2 mula sa naunang five-set defeat sa Petro Gazz sa pagharap sa Foton na hangad ang respetadong pagtatapos sa torneo.

Sina Majoy Baron, Kian­na Dy, Aby Maraño, Ivy Lacsina, Shola Alvarez at Jolina Dela Cruz ang muling babandera sa Cargo Movers katapat sina Mary Rhose Dapol, Shaya Adoradora, Nerissa Bautista, Jasmine Nabor, Seth Rodriguez at Jaila Atienza ng Tornadoes. 

Show comments