41 pts ni Jokic tunaw sa Heat sa Game 2
DENVER — Nalampasan ng Miami Heat ang iniskor na 41 points ni Nikola Jokic para balikan ang Nuggets, 111-108, sa Game Two at itabla sa 1-1 ang kanilang NBA best-of-seven championship series.
Kumamada si Gabe Vincent ng 23 points habang may tig-21 markers sina Jimmy Butler at Bam Adebayo para banderahan ang Miami sa pagresbak mula sa 94-103 kabiguan sa Denver sa Game One.
“Our guys are competitors,” wika ni Fil-American head coach Erik Spoelstra sa kanyang koponan. “They love these kind of moments.”
Nag-ambag si Max Strus ng 14 markers tampok ang apat na three-pointers sa first period at may 10 points si Duncan Robinson para sa Heat na nagposte ng double-digit lead bago nabaon ng Nuggets sa 15-point deficit.
Sa fourth period ay humataw ang Miami ng 36 points at nilimitahan ang Denver sa 25 markers.
Matapos ang mintis na triple ni Butler sa posesyon ng Heat ay bigo naman si Jamal Murray na maipasok ang kanyang tres para sa Denver sa pagtunog ng final buzzer.
“It’s defeating when you’re giving up mistake after mistake, and it’s not them beating you, you’re giving them open dunks or open shots,” wika ni Murray. “That’s tough to come back from.”
Tumapos si Murray na may 18 points at 10 assists sa panig ng Nuggets habang may 12 at 11 markers sina Aaron Gordon at Bruce Brown, ayon sa pagkakasunod.
Nakatakda ang Game Three sa Huwebes (Manila time) sa Miami.
- Latest