Leviathan Swim Club, umungos sa COPA Golden Goggle

Inangkin ni Caleb Pablo ang kanyang ikatlong ginto sa 100meters breaststroke event ng COPA Golden Goggles Championship Leg 1 sa Rizal Memorial Swimming Pool.

MANILA, Philippines — Walong medalya kasama ang tatlong ginto ang nilangoy ng Leviathan Swim Club sa freestyle events sa pagsisimula ng COPA Golden Goggle Championship Leg 1 at 2 kahapon sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Center sa Malate, Manila.

Bumandera sina Kean Sebastian Paragatos, Ashton Clyde Jose at Yuri Acidre sa kani-kanilang age-group class sa 200-meter freestyle sa torneong inorganisa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) na pinamumunuan ni Olympian at Philippine Sports Hall-of-Famer at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain.

 Nagtala si Paragatos ng 2:28.16 para manalo sa boys’ 13-yrs old class laban kina Alrech Gregory Sarmiento ng D’Rising Aquaducks (2:40.76) at Mark Perez ng Ilustre East Aquatic (2:46.54).

Humataw naman si Jose ng 2:11.82 sa boys’ 14-yrs old kontra kina John Villanueva ng Pasigswim (2:22.21) at Zion Jalia ng Marikina Swim Club (2:23.45).

Inangkin ni Acidre ang ikatlong ginto ng Leviathan sa panalo sa 16-yrs class sa oras na 2:07.92 laban kina Meynard Marcelino ng D’Rising (2:08.84) at CJ Valenzuela ng Acquathlete Swim sa unang dalawang serye ng torneo na suportado ng Speedo, Philippine Sports Commission at MILO.

“Masaya tayo sa naging turnout. Mayroon kaming 370 swimmers at bilang bahagi ng adbokasiya ng COPA na inclusivity, tumatanggap kami kahit na hindi miyembro ng COPA at mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan nang walang bayad,” sabi ni COPA treasurer Chito Rivera.

Nagdagdag ng pilak sina John Paul Elises, 18;(2:03.05), Clane Briana Lim, 13 (2:44.67) at Benylde Urquico, 16 (2:28.58) sa kani-kanilang mga grupo habang sina Janna Rysa Articulo (2:48.06) ), Giacinta Balucating (2:34.58) at Rhian Angat (4:45.79) ay nag-ambag ng tanso.

Ang South Rapids ay umangkin ng dalawang ginto mula kina Xian Tiburcio sa girls 9-yrs (3:23.73) at Elisha Belarmino sa 10-yrs class  habang ang mga teammates na si Paula Malaga ay sumikwat ng bronze sa girls 8-yrs (5:02.49). 

 

Show comments