Semis spot target ng Bolts
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng No. 4 Meralco ang isang semifinals seat sa pagharap sa No. 5 Magnolia sa kanilang quarterfinals match sa 2023 PBA Governors’ Cup.
Tangan ang ‘twice-to-beat’ advantage, haharapin ng Bolts ang Hotshots ngayong alas-5:45 ng hapon matapos ang bakbakan ng No. 1 TNT Tropang Giga at No. 8 Phoenix Fuel Masters sa alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Naitakda ng No. 2 San Miguel at No. 3 Barangay Ginebra ang kanilang best-of-five semifinals series matapos sibakin ang No. 7 Converge at No. 6 NLEX, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang tinakasan ng Meralco ang Magnolia, 86-84, noong Pebrero 26 kung saan tinapos ng Bolts ang four-game winning streak ng Hotshots.
Ipinasok ni import KJ McDaniels ang tatlo sa apat niyang free throws sa huling 31.2 segundo ng fourth period para sa two-point lead ng Meralco, samantalang mintis naman ang tangkang tres ni Paul Lee sa panig ng Magnolia.
Sa unang laro, ang pagdakma sa semis berth ang pakay ng TNT laban sa Phoenix at hindi na tumitingin sa isang do-or-die’ game.
“That’s the grand plan,” ani Tropang Giga interim coach Jojo Lastimosa sa pagsagupa nila sa Fuel Masters. “But for me, personally, we have to be also prepared for anything. Kumbaga, hope for the best, prepare for the worst.”
Tinalo ng TNT ang Phoenix, 123-119, noong Enero 25 kung saan si Jalen Hudson pa ang kanilang import.
Muling aasahan ng TNT sina import Rondae Hollis-Jefferseon, Jayson Castro at Mikey Williams katapat sina reinforcement Du’vaughn Maxwell, Tyler Tio at Jason Perkins ng Phoenix.
- Latest