Chua, Aranas pasok sa Last 64 ng World 9-ball
MANILA, Philippines — Bumangon mula sa pagkakadapa sina Pinoy cue artists Johann “Bubwit” Chua at James Aranas upang magmartsa sa Last 64 ng 2023 World Pool 9-Ball Championship kahapon na ginaganap sa Kielce, Poland.
Pinatalsik ng Southeast Asian Games gold medalist na si Chua si Dimitris Loukatos ng Greece, 9-7, sa losers’ qualification upang sumampa sa susunod na round at manatiling may tsansa sa inaasam na titulo.
Nagwagi muna sa unang laro ang 30-anyos na si Chua kay Abdullah Alyousef ng Kuwait, 9-5, pero natalo sa winner’s bracket kay Mariusz Skoneczny ng Poland, 5-9.
Umahon naman buhat sa losers’ qualification si Aranas matapos matalo kay Ko Pin Yi ng Chinese Taipei, 4-9 sa first round.
Tumumbok ng dalawang sunod na panalo si Aranas kaya nakapasok siya sa knockout round-of-64 sa event na may nakatayang $60,000 sa magkakampeon.
Kailangan nina Chua at Aranas na manalo sa susunod nilang laban upang makausad sa mas mabigat na Last 32 ng torneo.
Makakalaban ni Chua sa race-to-11 si Nick Van Den Berg ng Netherlands, habang makakatapat ni Aranas si Ali Nasser Al Obaidli ng Qatar.
- Latest