Converge nagsolo
MANILA, Philippines — Sa umpisa lang lumaban ang Terrafirma.
Umarangkada ang Converge FiberXers sa third period para gibain ang Dyip, 130-115, sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagposte si import Jamaal Franklin ng 42 points, 11 rebounds at 8 assists para sa ikalawang sunod na panalo ng Converge.
Nagdagdag si Maverick Ahanmisi ng 16 markers at may tig-15 points sina Jeron Teng at Justin Arana.
Nabalewala ang 46 markers ni import Jordan Williams para sa unang salang ng Terrafirma.
Kinuha ng Dyip ang 71-68 abante sa halftime na tinampukan ng 30 points ni Williams at huling nahawakan ang kalamangan sa 80-76 sa 9:07 minuto ng third period.
Isang 18-2 atake ang inilunsad ng FiberXers sa likod nina Franklin, Teng, Ahanmisi at Arana para itayo ang 12-point lead, 94-82, sa huling 3:48 minuto ng nasabing yugto.
Lalo pang nakalayo ang Converge sa fourth quarter matapos ilista ang 16-point advantage, 121-103, galing sa tres ni Franklin sa huling 3:33 minuto nito.
Mula rito ay hindi na nakaporma ang Terrafirma na nagtala ng 1-11 marka sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup.
Nag-ambag si Juami Tiongson ng 18 points.
- Latest