Valientes nagpalakas, Hester hinugot

MANILA, Philippines — Lalong nagpalakas ang Zamboanga Valientes papalapit sa kampanya nito sa 2023 ASEAN Basketball League (ABL) Invitational Series matapos sikwatin ang serbisyo ni dating PBA import Antonio Hester.

Nagsasanay na si Hester, dating Terrafirma import sa 2022 PBA Go­vernors’ Cup, sa Valientes isang buwan pa bago ang pagbubukas ng ABL sa Enero 2 sa Singapore.

Ito ang pagbabalik ng ABL bilang unang regional league sa Asya matapos ang tatlong taong pahinga dahil sa pandemya.

At sa tulong ni Hester na nagrehistro ng 27.0 puntos, 10.6 rebounds, 3.0 assists at 1.4 steals, tiwala ang Zamboanga na maiwawagayway nang matayog ang bansa bilang representante ng Pilipinas.

Makakasama ni Hester sa Valientes ang mga pambatong homegrown pla­yers ng Zamboanga pati ang iba pang reinforcements na sina Kemark Carino at James Kweku­teye ng San Beda pati ang kontrobersyal na si John Amores ng Jose Rizal U.

Inaasahang maga-a­nunsyo pa ang Zamboanga ng ibang dagdag na reinforcements para sa ABL, kung saan nagkampeon na dati ang Philippine Patriots (2010), San Miguel Beermen (2013) at San Miguel-Alab Pilipinas (2018).

Ang ABL ang bagong destinasyon ng Valientes matapos magkampeon sa Champions League Basketball 3x3 at 3x3 Christmas Street Hustle sa Australia.

Zamboanga Valientes din ang pinanggalingan ng ibang PBA stars na sina Mark Barroca, RR Garcia at Mike Tolomia.

 

Show comments