Obiena nagpasalamat sa PATAFA at PSC
MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni World No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena ang Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) at ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagkakabalik niya sa national team.
Sa kanyang social media post kahapon ay sinabi ng Asian at Southeast Asian Games record-holder na kakalimutan na niya ang masamang nangyari sa kanya sa nakaraang liderato ng PATAFA.
“Whilst I shall properly leave the past in the past; I believe the facts have spoken. The Commission on Audit has spoken. My fellow countrymen have spoken. And my team and I have proven our dedication with our performances on the world stage and a first-ever World Championships medal,” ani Obiena.
Ang tinutukoy ng 26-anyos na pole vaulter ay ang naging sigalot nila ni dating PATAFA chief Philip Ella Juico kaugnay sa liquidation.
Dahil sa nasabing isyu ay inalis ng PATAFA Board si Obiena sa national team.
Sa kabila nito ay tuluy-tuloy ang pagbibigay ng karangalan ni Obiena para sa Pilipinas tampok ang paglundag sa bronze medal sa nakaraang 2022 World Athletics Championships sa Eugene, Oregon, USA.
Ito ang unang medalya ng bansa sa nasabing world meet.
- Latest