MANILA, Philippines — Wala pang naikakasang kontrata sina Abu Tratter, Mav Ahanmisi at Rob Herndon sa Converge ilang araw bago magsimula ang PBA Season 47.
Ayon kay Coverge representative to PBA Board Chito Salud, kasalukuyang may negosasyon pa ang koponan sa tatlong players kaya’t wala pang linaw kung anong kontrata ang maiseselyo para sa kanila.
Nakatakda nang magsimula ang Season 47 sa Hunyo 5 kung saan isa ang Converge sa mga unang masisilayan sa opening day ng liga.
Nauna nang nakapirma sa Converge sina 6-foot-7 Jeo Ambohot ng back-to-back NCAA champion Letran at 6-foot-5 center Justin Arana ng Arellano University.
Binigyan si Ambohot ng tatlong taon na kontrata habang may two-year deal naman si Arana.
Nakuha rin ng FiberXers sina 6-foot-2 athletic forward Dave Murrell mula sa NLEX at sina first round picks Tyrus Hill at Kurt Lojera.
Umaasa ang pamunuan ng Converge na magkasundo na agad sa kontrata nina Tratter, Ahanmisi at Herndon lalo pa’t ilang araw na lamang ang nalalabi bago magsimula ang season.