Gilas tinambakan ang Cambodia

Dumakdak si teen sensation Lebron Lopez laban sa Cambodia sa basketball event ng 31st SEA Games.

MANILA, Philippines — Matapos ang dikit na panalo kontra Thailand, ibinuhos ng Gilas Pilipinas ang ngitngit nito kontra Cambodia sa higanteng 100-62 panalo sa pagpapatuloy ng 31st Southeast Asian Games kagabi sa Thanh Tri Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Sumakay ang Gilas sa 32-9 ratsada sa unang kanto at hindi na lumingon upang manatiling walang galos sa 2-0 kartada sa men’s basketball ng regional biennial meet.

Umiskor ang lahat ng 12 manlalaro ni coach Chot Reyes sa pangu­nguna ni teen sensation Lebron Lopez na may 17 puntos, limang rebounds at dalawang tapal sa 26 minutong aksyon.

Mayroon ding 16 at 10 puntos sina William Navarro at Matthew Wright, ayon sa pagkaka­sunod habang may 13 points at 12 rebounds na double-double si Isaac Go sa dominanteng 68-point win ng Nationals.

Ito ay kahit pa saglit lang ang nilaro ni six-time MVP June Mar Fajardo sa walong minuto para sa limang markers lang matapos humakot ng 28 puntos kontra Thailand.

Magandang bawi ito para sa Gilas na nahirapan kontra Thailand sa opener, 76-73, upang mapalakas ang misyong masungkit ang ika-14 na sunod na gintong me­dalya sa SEA Games.

Dahil doon, hindi pi­na­porma ng Gilas ang Cambodia na bigong ma­ka-iskor ng double di­gits sa apat na quarters tungo sa malamyang 32 points lang buong laro.

Nauna nang yumukod ang Camboadia, 87-55, sa host na Vietnam kamakalawa, para sa 0-2 baraha.

 

Show comments