Pang 6-sunod na panalo ng nangungunang Phoenix

PHOENIX — Dinuplika ni Mikal Bridges ang kanyang season high na 23 points para banderahan ang NBA-leading Suns sa 113-103 pagsunog sa Indiana Pacers.

Ito ang ikaanim na dikit na panalo ng Phoenix (36-9) para patuloy na pamunuan ang NBA at ang Western Conference.

Si Bridges ang sinandigan ng koponan dahil sa malamyang inilaro ni top scorer Devin Booker na tumapos na may 11 markers mula sa 5-of-23 fieldgoal shooting.

Mula sa 59-54 halftime lead ay humataw ng 8-0 atake ang Suns sa pagbubukas ng third quarter patungo sa pagtatala ng 92-74 abante papasok sa fourth period.

Nagawang makadikit ng Pacers (17-30) sa 99-105 sa huling 3:59 minuto ng labanan, ngunit bigo pa rin silang maagaw ang panalo.

Tinumbasan ni big man Bismack Biyombo ang kanyang career best na 21 points at humakot ng 13 rebounds para sa Phoenix na nakahugot kay Chris Paul ng 18 markers at 16 assists.

Pinamunuan nina rookie Chris Duarte at Lance Stephenson ang Indiana sa kanilang tig-17 points at nagtala si Goga Bidatze ng 16 markers at 11 rebounds.

Sa Milwaukee, nagpasabog si Khris Middleton ng game-high 34 points para akayin ang nagdedepensang Bucks (30-19) sa 133-127 paggupo sa Sacramento Kings (18-30).

Kinuha ng Milwaukee, nanatili sa No. 4 sa Eastern Conference, ang ikatlong sunod na ratsada kahit hindi naglaro si Giannis Antetokounmpo dahil sa namamagang kanang tuhod.

Nagdagdag si guard Jrue Holiday ng 26 markers at may 20, 17 at 15 markers sina Donte DiVincenzo, George Hill at Pat Connaughton, ayon sa pagkakasunod.

Umiskor si Harrison Barnes ng 29 points para sa Kings.

Sa Cleveland, kumolek-ta si Darius Garland ng 23 points at 11 assists sa 94-87 pagpapatumba ng Cavaliers (28-19) sa Oklahoma City Thunder (14-32) para upuan ang No. 5 seat sa East.

Naglista si rookie Evan Mobley ng 15 points at season-high 17 rebounds para sa Cleveland at humakot si Jarrett Allen ng 14 points at 13 boards.

Humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 29 points, 9 rebounds at 6 assists sa panig ng Thunder.

Show comments