Labanang Calvin Abueva at Mikey Williams para sa PBA Best Player of the Conference

Calvin Abueva at Mikey Williams.

MANILA, Philippines — Sina Magnolia small forward Calvin Abueva at TNT Tropang Giga rookie guard Mikey Williams ang nanguna sa labanan para sa Best Player of the Conference award matapos ang quarterfinal round ng 2021 PBA Philippine Cup.

Nagposte ang 2013 PBA Rookie of the Year na si Abueva ng 36.4 statistical points para okupahan ang No. 1 seat kasunod si Williams na may 35.0 sps.

Lalabanan ng Hotshots ang Meralco Bolts at makakatapat ng Tropang Giga ang San Miguel Beermen sa kani-kanilang best-of-seven semifinals series na magsisimula ngayon.

Ang 33-anyos na si Abueva ay may averages na 15.8 points, 10.7 rebounds, 2.7 assists at 1.3 block shots per game sa una niyang season para sa Magnolia.

Naglista naman si Williams ng 17.7 points, 4.5 rebounds, 3.8 assists at 1.2 steals para sa TNT.

Kasama nina Abueva at Williams sa Top 5 para sa BPC race sina NorthPort scoring guard Robert Bolick (33.7 sps), Magnolia big man Ian Sangalang (32.3 sps) at San Miguel star guard CJ Perez (31.5 sps).

Nasa No. 6 naman si 2013 PBA MVP Arwind Santos ng San Miguel na may 30.5 sps sa itaas nina NorthPort rookie Jamie Malonzo (30.2 sps), sixth-time MVP June Mar Fajardo (29.8 sps) ng San Miguel, Christian Standhardinger (29.5 sps) ng Barangay Ginebra at Jason Perkins (29.4 sps) ng Phoenix.

Sibak na sa kontensyon ang Batang Pier, Gin Kings at Fuel Masters na nagpalabo sa tsansa nina Bolick, Standhardinger at Perkins para sa nasabing individual award.

 

Show comments