Tatapusin na ng TNT, Meralco

MANILA, Philippines — Isang panalo lang ang kailangan ng No. 1 TNT Tropang Giga at No. 2 Meralco para umabante sa best-of-seven semifinals series.

Hawak ang ‘twice-to-beat’ advantage, lalabanan ng Tropang Giga ang nagdedepensa at No. 8 Ginebra Gin Kings ngayong alas-6 ng gabi matapos ang laro ng Bolts at No. 7 NLEX Road Warriors sa alas-3 ng hapon sa quarterfinals ng 2021 PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University gym sa Bacolor, Pampanga.

Para makapasok sa semis ay dalawang pa-nalo ang dapat makuha ng Ginebra laban sa TNT at ng NLEX kontra sa Meralco.

“We know our road is tough, there is no doubt about it. But our guys will battle.” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone sa rematch nila ng Tropang Giga na tinalo nila sa Finals ng 2020 Philippine Cup sa Clark bubble.

Sina rookie Mikey Williams, Jayson Castro, RR Pogoy, Troy Rosario at Kelly Williams ang muling bibida sa TNT katapat sina Stanly Pringle, Christian Standhardinger, LA Tenorio, Prince Caperal at Jeff Chan ng Ginebra.

Ang mananalo sa Tropang Giga at Gin Kings ang sasagupa sa mananaig sa duwelo ng No. 4 San Miguel at No. 5 NorthPort at haharapin ng Bolts-Road Warriors winner ang lulusot sa No. 3 Magnolia at No. 6 Rain or Shine.

Kapwa may 1-0 lead ang Hotshots at Beermen laban sa Elasto Painters at Batang Pier, ayon sa pagkakasunod, sa kanilang best-of-three quarterfinals series.

Inaasahan naman ni Meralco coach Norman Black na magiging pisikal ang laro nila ng NLEX ni mentor Yeng Guiao.

“We know that’s gonna be tough, it’s not gonna be easy,” wika ni Black sa pagsagupa ng Bolts sa Road Warriors na tinalo nila, 104-101, noong Setyembre 22 patungo sa four-game winning streak.

Show comments