_pang-masa
^

PM Sports

May pag-asa rin kay Marcial

Nelson Beltran - Pang-masa
May pag-asa rin kay Marcial
Eumir Felix Marcial.

TOKYO — Ipinagpatuloy ng Team Philippines ang ratsada sa Tokyo Games matapos umiskor si flag bearer Eumir Felix Marcial ng isang first-round stoppage sa kanyang Olympic Games debut.

Pinabagsak ni Marcial sa first round si Algerian Younes Nemouchi sa pamamagitan ng mabigat na right hook na nagresulta sa kanyang RSC-I (Referee Stops Contest – Injury) win sa 2:41 minuto ng kanilang round-of-16 middleweight fight.

Inihinto ni Slovakian referee Radoslav Simon ang laban nang umagos ang dugo sa kanang kilay ng Algerian galing sa isang head butt kay Marcial.

“Masaya po ako siyempre sa pagkapanalo. Hindi pa ito ‘yung last fight, marami pang fights na darating. Kasama ‘yung mga coaches ko, paghahandaan pa po namin ‘yung mga susunod na laban,” ani Marcial.

Ang 25-anyos na tubong Zamboanga City ang ikinukonsidera ng Associated Press na paboritong manalo ng middleweight gold.

Lalabanan ni Marcial sa quarterfinals si Armenian Arman Darchinyan, tinalo na niya sa faceoff noong 2018 world meet sa Russia, para sa bronze medal sa Linggo.

Pinatalsik ni Darchinyan si Andrej Csemez, 5-0, sa kanilang upakan.

“Nakalaban ko na po siya (Darchinyan) noong 2018 sa Russia,” ani Marcial. “Tinalo ko siya doon pero siyempre, itong Olympics talagang lahat naghanda para rito. Alam ko na handang-handa siya sa laban niya.”

Hindi naman pinalad si flyweight Irish Magno na makalusot sa quarterfinals matapos makalasap ng kabiguan kay Thai fighter Jutamas Jitpong.

Sa duwelo ng dalawang boksingerong sabay na nagsanay sa isang Thai camp ay mas nangibabaw si Jitpong para talunin si Magno.

Bagama’t nasibak sa torneo ay hindi pa rin hihinto ang tubong Janiuay, Iloilo sa kanyang pangarap na Olympic gold medal. “Tuluy-tuloy pa rin ako. Hangga’t walang ginto, hindi po tayo susuko. Tuloy lang ang laban,” sabi ni Magno, ang unang miyembro ng four-man Phl boxing team na nalagas sa Tokyo Olympics.

Samantala, haharapin ni flyweight Carlo Paalam bukas ng umaga si three-time Olympian Mohamed Flissi ng Algeria sa round-of-16.

Nakatakda namang harapin bukas ni featherweight Nesthy Petecio si Irma Testa ng Italy sa semifinals kung saan ang mananalo ang makakatiyak ng silver medal.

Para umabante sa semis ay sinibak ni Petecio si Colombian Yeni Arias Castaneda noong Miyerkules.

Sa rowing, puwede pang tumapos si Cris Nievarez sa 19th hanggang 24th place sa classification ng men’s single sculls matapos makapasok sa  Finals D na magdedetermina ng kanyang final ranking.

Lalangoy naman si swimmer Luke Gebbie sa heats ng men’s 50-meter freestyle ngayong alas-6 ng gabi.

Sa golf, sumosyo si Juvic Pagunsan sa fifth place sa first round matapos pumalo ng 5-under par 66 sa pagtatapos ng 18 holes sa unang round ng 4-round golf competition.

 

EUMIR FELIX MARCIAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with