TNT Tropang Giga, NLEX pa-Norte para mag-training

MANILA, Philippines — Tutulak na rin pa-Norte ang dalawa pang koponan sa ilalim ng Manny V. Pangilinan (MVP) Group na TNT Tropang Giga at NLEX para mag-training bilang paghahanda sa PBA Season 46.

Papuntang  Ilocos Norte ngayong araw ang Tropang Giga habang sa Clark, Pampanga naman ang Road Warriors simula bukas.

Ayon kay coach Chot Reyes, magsasanay ang TNT sa Laoag hanggang Mayo 31 kasabay ng pagtatapos ng General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.

Nauna nang lumarga kamakalawa sa Ilocos ang Meralco at nasa kasagsagan na ng training camp sa Laoag Centennial Arena bilang pinaka-unang PBA team na nakabalik sa ensayo matapos ang lagpas isang buwang pagkakatengga noon pang Marso.

Ang natitirang koponan na San Miguel, Ginebra, Magnolia, Alaska, Phoenix, Rain or Shine, Blackwater, Northport at Terrafirma ay inaaasahang sa Batangas magsasanay simula ngayong linggo.

Nakahanda na simula nitong buwan pa ang Batangas ayon sa go-signal nina Batangas City Mayor Beverly Dimacuha and Batangas 5th District Rep. Marvey Mariño.

Puwedeng magsanay ang mga PBA teams sa Batangas City Coliseum, Batangas State University Gym at Lyceum Batangas.

Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF)  na mag-ensayo ang PBA teams sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at Modified GCQ.

Sa pagbaba naman ng NCR Plus sa GCQ na may heightened restrictions kung saan sarado pa ang mga indoor sports gyms at courts ay naghihintay pa ang PBA ng paglilinaw mula sa IATF at Games and Amusements Board (GAB).

Kaugnay nito ay nag-request na ang mga PBA teams sa mga Local Government Units (LGUs) kung nasaan ang kanilang mga home gyms at naghihintay na lamang ng sagot kung mapapayagan na sila.

Sa ngayon, susulitin muna ng PBA teams ang pagsasanay sa Batangas at Ilocos Norte habang naghihintay ng go-signal ng pagbalik sa NCR Plus upang makauna sa preparasyon para sa Season 46.

Umaasa ang PBA na ang kanilang pagbalik-ensayo ay malaking hakbang tungo sa mithiing mabuksan ang naudlot na 2021 Season sa Hunyo.

Show comments