Casimero vs Rigondeaux ikinasa

MANILA, Philippines — Kasado na ang unification bout nina World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero at World Boxing Association (WBA) regular bantamweight titlist Guillermo Rigondeaux sa Agosto 14.

Inihayag ng Showtime ang petsa ng laban ngunit pinaplantsa pa ang venue na gagamitin sa bakbakang Casimero-Rigondeaux na isa sa inaabangan ng mga boxing fans.

Aminado si Casimero na hindi birong kalaban si Rigondeaux na may malalim na karanasan at makulay na boxing career.

Isa si Rigondeaux sa mga tumalo kay dating world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire noong 2013 via unanimous decision.

Ngunit ngayon pa lang, handa na ang Pinoy champion na patulugin ang Puerto Rican fighter sa oras na magkrus ang kanilang landas.

Magiging armas ni Casimero ang pamatay nitong suntok na tinukoy nitong magpapatulog kay Rigondeaux sa oras na lumapat ito sa kanyang mukha.

“Alam naman natin na tinalo niya si Donaire. Two-time Olympian din ‘yan. ‘Di natin minamaliit. Pero ‘pag matamaan ‘yan sa atin isang beses lang tulog ‘yan,” ani Casimero.

Maningning ang rekord ni Rigondeaux na may 20-1 baraha tampok ang 13 knockouts habang nagkampeon ito sa Olympics ng dalawang beses — noong 2000 sa Sydney, Australia at 2004 sa Athens, Greece.

Si Casimero ay may 30-4 rekord kasama ang 21 knockouts.

Show comments