Perez, Black paparangalan ng PBAPC

CJ Perez at Aaron Black

MANILA, Philippines — Hinirang si CJ Perez bilang Scoring Champion habang napasama si Aaron Black sa All-Rookie Team na pararangalan sa Marso 7 sa PBA Press Corps virtual Awards Night mula sa TV5 Media Center.

Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na kinilala si Perez bilang Scoring Champion sa one-hour program na inihahandog ng Cignal TV at ipapalabas sa PBA Rush sa Marso 8.

Nagtala ang 27-anyos na si Perez, ang NCAA MVP mula sa Lyceum Pirate ng average na 24.4 points sa nakaraang 2020 PBA Philippine Cup habang naglalaro para sa Terrafirma.

Pamumunuan naman ni Black ang All-Rookie Team na gagawaran ng tropeo ng mga reporters na nagkokober sa PBA beat sa event na kumikilala sa mga top performers ng 2019 season at ng 2020 Philippine Cup bubble.

Nakatulong ang 24-anyos na si Black sa pagpasok ng Meralco sa semifinals ng Phi-lippine Cup sa unang pagkakataon sa kanilang franchise history.

Hinirang siyang Outstanding Rookie ng PBA bubble season.

Makakasama ni Black sa All-Rookie squad sina Arvin Tolentino ng Barangay Ginebra, Roo­sevelt Adams ng Terrafirma, Barkley Ebona ng Alaska at Renzo Subido ng NorthPort.

Ang iba pang awards na ibibigay para sa 2020 season ay ang Outstanding Coach of the Bubble, Mr. Executive, President’s Award, Top Bubble D-Fender,  All Bubble D-Fenders, Mr. Quality Mi­nutes at Game of the Bubble.

Ang mga awardees naman ng 2019 season ay sina Leo Austria ng San Miguel (Baby Dalupan Coach of the Year), PBA Chairman Ricky Vargas (Danny Floro Executive of the Year) at Vergel Meneses (Presidential Awardee).

 

 

Show comments