Diretso ang training ng Gilas Pilipinas

MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy pa rin ang paghahanda ng Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kahit pa hindi na dito gaganapin ang ikatlo at hu-ling window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.

Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas, walang magbabago sa training camp dahil hosting lang naman sa Clark, Pampanga ang nakansela bunsod ng umiiral na travel bans dito sa Pinas at hindi ang nalalapit na torneo sa Pebrero 18-22.

Sa gabay nina coaches Jong Uichico, Norman Black, Caloy Garcia at Sandy Arespacochaga kasama si program director Tab Baldwin, business as usual ang Gilas sa “Calam-bubble” habang hinihintay ng anunsyo ng FIBA kung saan ililipat ang qualifiers.

Nakatakda sanang maglaro sa homecourt sa loob ng Clark bubble ang Gilas kasama ang South Korea, Thailand at Indonesia ng Group A gayundin ang Australia, New Zealand, Guam at Hong Kong ng Group C bago ang kanselasyon nito.

Sa bagong host country, na hindi pa inaanunsyo ng FIBA, gaganapin ang Group A at Group C games.

Bunsod ng parehong travel restriction issue, umatras na rin ang Japan sa hosting ng Group B teams kasama ang China, Chinese Taipei at Malaysia. Sa Qatar, kung saan sasalang ang Group E teams, maglalaro ang mga naturang koponan habang tuloy ang labanan ng Group D at F teams sa Bahrain, na naging host din ng ikalawang window noong nakaraang Nobyembre.

Sa ngayon pina-finalize na rin ng SBP ang pag-uwi ni NBA G League player Kai Sotto mula sa US upang samahan ang Gilas tsa raining camp.

Inaasahang pala-lakasin ni Sotto ang puwersa ng Gilas na noong Enero 10 pa nagsasanay sa Laguna na binubuo ng mga PBA standouts at Gilas cadets.

 

Show comments