Magbibigay ba ang PBA ng Bubble MVP o hindi?

MANILA, Philippines — Inilabas kamakailan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pangalan ng mga players na nangunguna sa statistical points para sa Most Valua-ble Player (MVP) award.

Ngunit wala pang opisyal na desisyon ang PBA Board kung magkakaroon ng awarding ceremonies para sa tatanghaling MVP sa loob ng ‘bubble’.

Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na ipapanukala niya sa PBA Board na magkaroon ng ‘bubble’ awards kung saan may hihira-nging MVP at Rookie of the Year (ROY).

Kung sasang-ayunan siya ng PBA Board ay posibleng makapagdaos ang liga ng mga regular awards kasama ang Best Player of the Conference award.

Ang iba pa ay ang Mythical Five, Mythical Second Team, Samboy Lim Sportsmanship Award, Most Improved Player at All-Defensive Team.

Ang nasabing mga individual awards ay ibinabase sa naitalang statistics ng isang player sa buong season na kinabibilangan ng Philippine Cup, Commissioner’s Cup at Governor’s Cup ngunit isang conference lang ang idinaos nga-yong covid season.

Hangad sana ni San Miguel superstar center June Mar Fajardo ang kanyang record na pang-pitong sunod na MVP trophy kundi lamang siya nagkaroon ng leg injury kaya hindi siya nakasama sa PBA ‘bubble’.

Kasalukuyang nangu-nguna sa statistical race si Ray Ray Parks, Jr. na gumiya sa TNT Tropang Giga sa Finals ng 2020 PBA Philippine Cup laban sa Barangay Ginebra.

Samantala, tanging ang mga Tropang Giga at Gin Kings na lamang ang naiwang koponan sa Quest Hotel matapos umuwi ang mga sibak nang Phoenix Fuel Masters at Meralco Bolts.

Lumabas na ng PBA ‘bubble’ ang Fuel Masters at Bolts noong Sabado ng hapon matapos matalo sa Tropang Giga at Gin Kings, ayon sa pagkakasunod, sa Game Five ng kani-kanilang semifinal series noong Biyernes.

 

Show comments