Means sasabak sa LA skateboarding event

MANILA, Philippines — Magpapakitang-gilas si Southeast Asian Games (SEAG) gold medalist Christiana Means kontra sa pinakamagagaling na pro-skaters sa prestihiyosong Backyard Skate Battle tournament sa Los Angeles, California ngayong Linggo.

Lalaban ang 23-anyos na Filipina skater kontra sa pito pang kalahok para sa $10,000 na premyo bukod pa sa bonggang electric scooter.

Ang tumataginting na pabuya ay mapupunta sa non-profit organization bilang tulong ng pro skaters sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito ang unang torneo ni Means si-mula nang magwagi ng dalawang pilak at isang gintong medalya sa 30th SEA Games na ginanap sa Tagaytay noong nakaraang Disyembre.

Nagtapos siya sa likod ng kababayan na si Margielyn Didal sa Game of SKATE at street events bago pagreynahan ang park event para sa dominanteng Philippine skateboarding team.

Kagaya ni Didal, isa si Means sa pinakamagagaling na skaters sa mundo matapos maging semi-finalist sa World Championship of Skateboarding noong nakaraang taon sa Rio De Janeiro, Brazil.

 

Show comments