Student athlete o play for pay?
Dahil walang larong umiiral sa quarantine, kaliwa’t kanan ang online sports talk shows na karamihan ay baliktanaw sa buhay ng mga sumikat na basketball players.
Natalakay ang talambuhay nina Mon Fernandez, Allan Caidic, Turo Valenzona, Bernard Fabiosa, Freddie Hubalde, Joel Banal, Ed Cordero, Rey La-zaro, Naning Mariano, Ricky Relosa, Onchie dela Cruz, Al Solis, Boy Cabahug, Gerry Esplana at marami pang iba.
Marami sa kanila ay pumasok sa paglalaro dahil sa naising makakuha ng scholarship sa pag-aaral.
At marami rin sa kanila ang nakatatak sa isipan ang pagiging estudyante muna bago ang pagiging atleta.
Noon yon! Dahil iba na ang kalakaran ngayon.
Ang college basketball ngayon ay parang pro basketball na rin dahil kung saan eskuwelahan ang kumikinang ang piso ang siyang naghahari.
Kung sino ang may malaking budget, siya ang nakakabitag ng mga batang may magandang potensyal.
Ewan kung pang-ilan sa konsiderasyon ang academic programs na alok ng iskuwela.
***
Taas noo ang mga tambay sa Kubo ni Kandong sa Maysan, Valenzuela dahil tama ang hula nila na maraming silatan na mangyayari sa NBA playoffs.
Pero sa ngayon ay bakas-bakas na sina Odie Chua, Dennis Alemania, Ernie Malit at Kandong Pabaya sa pagkampi sa Miami Heat dahil kay Fil-Am coach Eric Spoelstra.
Kaya lang ang duda nila ay mahirap nang pigilan pa si LeBron James at ang kanyang mga katropa sa LA Lakers.
- Latest