Pagbabalik-training ng football umaandar na

MANILA, Philippines — Posibleng mauna pang makita sa aksyon ang football kaysa sa basketball.

Ito ay matapos magsagawa ang Philippine Football Federation (PFF) ng RT-PCR/swab test sa mga manlalaro ng Philippine Football League (PFL) para sa coronavirus disease (COVID-19) sa PFF House of Football sa Pasig City.

Bahagi ito ng proseso para sa pagbabalik sa training at conditoning ng mga manlalaro ng PFL na nasa ilalim ng pamamahala ng PFF.

“All is well after the approval of IATF (Inter-Agency Task Force) to resume training,” ani PFL Commissioner Coco Torre. “PFL successfully conducted the testing of the clubs as a procedural requirement for them to return to training.”

Wala pang opisyal na petsa kung kailan gagawin ng PFF ang kanilang Season 2020 kung saan ang Qatar Airways ang tatayong title sponsor at official airline partner.

Pinayagan ng IATF ang pagbabalik sa training at conditioning ng PFF at Philippine Basketball Association (PBA) kasama na ang pagdaraos ng mga professional boxing matches at horseracing sa mga General Community Quarantine (GCQ) areas.

Tinukoy ng PFF ang kanilang National Training Center sa Carmona, Cavite bilang designated venue para sa PFL clubs training.

Papayagan din ng PFF ang mga PFL clubs na magsanay sa ibang venue na dapat ay pumasa sa protocols para sa training grounds.

“Clubs should inform PFF of any proposed training venue so that assessment can be made on whether PFF’s protocols on training can be complied with,” wika ni PFF president Mariano ‘Nonong’ Araneta.

Show comments